1st Lt. Frederick Savellano, inihimlay na sa Libingan ng mga Bayani

Images from Geng Lopez Gamboa/ Josephine Jaron Codilla's Facebook posts

MAYNILA, Pilipinas  –  Inihimlay na sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig nitong Sabado ang labi ni 1st Lieutenant John Frederick Savellano; isa sa 13 Marines na nasawi sa mainit na bakbakan sa Marawi noong Hunyo 9.

Ang seremonya ay dinaluhan ng pamilya, kaibigan at kamag-anak ng sundalo na taga Antipolo City. Nagbigay-pugay ang kaniyang mga kaanak sa kagitingang ginawa ni Savellano noong kasagsagan ng labanan sa Marawi.

Ayon sa pamilya, nais nilang ‘congratulations’ at hindi ‘condolences’ ang marinig mula sa mga nakiramay.

“Kaya namin sinabi na congratulations kasi ‘yung first two days, three days talagang malungkot kami. Then suddenly… pagdating ng mga makikiramay… may nakukuwan kami na tinatawag siyang hero,” wika ni Freddie Savellano, ama ng sundalo.

Sinabi rin ng nakatatandang Savellano na talagang nasa puso ng kaniyang anak ang pagiging sundalo.

“Actually, sinasabi niya ‘yung pagiging Marine officer niya is ‘calling’ parang ano ba sa religiuos calling ng God,” dagdag pa ng ama.

Si Savellano ay 2nd Platoon commander ng 37th Marine Company at  Marine Battalion Landing Team 7 (MBLT7) na responsable sa pagkakatuklas sa halos P80-M cash at tseke noon sa isang bahay na dating pinagkukutaan ng Maute Group.

Ito ang isa sa pinakamahalagang ‘accomplishment’ ng military sa patuloy na imbestigasyon kung sino ang mga financier ng teroristang grupo.

Nagtapos ng nursing si Savellano sa Far Eastern University (FEU) bago nagpasiyang pasukin ang pagsusundalo sa pamamagitan ng pagsali sa Naval Officer Candidate Course Class noong 2001.

Nakapagtapos din si Savellano ng United States Marine Officer Basic course.

Iniwan ng nasawing Marine ang kaniyang fiancee na isa ring Marine officer ng MBLT2. Nakatakda na sanang ikasal ang magkasintahan ngayong taong ito.

Loading...