Gunman sa Resorts World, biktima rin umano ng rent-tangay

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Biktima rin umano ng rent-tangay racket si Jessie Javier Carlos; ito ang isinawalat ng kaniyang misis na si Angelita sa kaniyang pahayag na ibinigay sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Angelita, ilang beses na umanong nabiktima ang kaniyang asawa ng naturang raket dahil maraming beses na itong napuwersang magbayad sa may-ari ng sasakyang binili. Isinauli naman daw ni Carlos ang mga sasakyan at binayaran pa ang may-ari nito subalit hindi na nakabalik ang kaniyang pera.

Maliban dito, inamin din ng ginang na ipinagbili ng kaniyang mister ang kaniyang relo, ang van at ang kanilang farm sa Batangas para lamang suportahan ang kaniyang bisyo na pagka-casino.

Maging ang pick-up truck na binili niya para kay Angelita na hinuhulugan pa sa bangko ay naibenta rin ni Carlos noong nakaraang taon.

Ito raw ang naging ugat ng kanilang hindi pagkakaunawaan at kinalaunan ay paghiling nila sa PAGCOR na i-ban ang lalaki sa mga casino sa bansa noong Abril.

Dati rin daw ‘financier’ lamang sa casino si Carlos para sa mga players sa City of Dreams, subalit nang magsimula na itong maglaro ay mas pinili ang Resorts World Manila.

Nauna nang napaulat na lubog sa utang si Carlos dahil sa pagkagumon nito sa casino. Bukod daw sa utang nito sa bangko na P4-M, mayroon pa itong mga pinagkakautangan sa labas.

Si Carlos ay dating empleyado ng Deparment of Finance (DoF) na nasibak dahil sa hindi pagdeklara ng ilang assets sa kaniyang SALN.

Loading...