Labi ng Resorts World gunman, isasailalim sa DNA test

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Ipapasailalim sa DNA test ng National Bureau of Investigation (NBI) ang labi ni Jessie Javier Carlos; ito ang naging utos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

SI Carlos ang nag-iisang suspek sa nangyaring pag-atake sa Resorts World Manila na nauwi sa pagkamatay ng 37 pa katao noong Biyernes ng madaling-araw.

Ayon kay Aguirre, ang pagsasailalim sa DNA test ng ******* ni Carlos ay upang matuldukan na ang mga mga haka-haka na hindi kaniya ang katawan na natagpuang sunog ilang oras matapos ang kaguluhang naganap.

”Yes, I ordered the NBI to conduct DNA examination on the remains of the gunman to erase doubts on the identity established by the PNP through the family,” ani Aguirre sa isang isang panayam nitong Lunes.

Matatandaang iniharap sa media ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilang kaanak ni Carlos, pati na ang nag-iisang testigo na nakakita sa kaniyang mukha – ang gasoline attendant – para lamang kumpirmahin na ang suspek nga ang nakita sa CCTV na may bitbit na baril at nanunog ng ilang mesa sa casino.

Ilang araw na nabahiran ng duda at ispekulasyon ang katauhan ng suspek lalo na nang maglabas ang ISIS ng pahayag na kasamahan nila ang gunman sa Resorts World Manila.

Agad namang iginiit ng mga awtoridad na walang kinalaman sa terorismo ang ginawang pag-atake ni Carlos na nakilalang isang casino high-roller na baon sa utang dahil sa pagkatalo sa sugal.

Samantala, ipinag-utos na rin ni Aguirre ang malawakang imbestigasyon sa kaso upang malaman kung may pananagutan ang mga ahensiya ng gobyerno at management at empleyado ng casino-hotel sa nangyaring trahedya.

“We need to know and to determine the responsibility and the liability, if any, of anyone which made possible the tragic events at Resorts World Manila. Whoever is responsible for allowing this tragedy to occur should be made accountable under our laws and before our courts,” paliwanag pa ng kalihim.

Loading...