Mga miyembro ng pamilyang Maute, hinarang ng militar sa Maguindanao

Image from Wikipedia

MAYNILA, Pilipinas  –  Siyam na miyembro ng isang pamilya na may apelyidong Maute ang hinarang ng mga awtoridad sa Maguindanao nitong Huwebes, ika-29 ng Hunyo.

Sakay umano ng isang itim na Toyota Innova na may plakang MEX-811 ang grupo nang sila’y harangin sa detachment ng 37th Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Hiningan umano ng mga sundalo ng ID ang mga pasahero ng naturang sasakyan at dito nadiskubre na lahat sila ay may apelyidong Maute.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, kabilang sa inimbitahan sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-ARMM) Cotabato sina  Alimatar Guro Maute, Apok Pili Maute, Mohamad Ali Maute, Saida Guro Maute, Amiladen Analo Maute, Mislanao Analo, Aisa Kalthum Sacaria at dalawang kapwa menor de edad.

Ani CIDG-ARMM Chief PSSUpt. James Allan Logan, galing ang pamilya sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) sa lungsod para kumuha ng NBI clearance.

Iginiit naman ng isang miyembro na hindi sila terorista at hindi kabilang sa Maute Group na pinamumunuan ng magkapatid na Maute.

Sa kabila nito, patuloy pa ring iniimbestigahn ng CIDG-ARMM ang nasabing pamilya.

Loading...