Sen. Pangilinan itinanggi na may kinalaman ang PNoy admin sa kontrobersiyal na DOT ad

Image from Pangilinan Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Itinanggi ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan na may kinalaman ang nagdaang administrasyon ni dating Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino sa kontrobersiyal na promotional video ng Department of Tourism (DOT).

Ang naturang video na ginawa ng McCann Worldgroup Philippine ay bahagi pa ng P650-M kontrata na pinirmahan ng ad agency noong nakaraang administrasyon Aquino.

Iginiit din ni DOT Assistant Secretary Frederick Alegre na namana lamang nila ang nasabing kontrata kaya isasailalim  umano muli ito sa kanilang pagsusuri.

Subalit ayon kay Pangilinan, presidente ng Liberal Party (LP), maaaring napirmahan nga ang kontrata sa panahon ni Aquino, ngunit wala naman na itong kinalaman sa paggawa ng naturang video na kapapalabas lang nitong Hunyo 12.

“Maaaring dating kontrata ‘yun pero hindi ang dating administrasyon ang nag-aproba nu’ng kontrobersyal na ad,” wika ni Pangilinan.

Samantala, nais naman ni Senador Nancy Binay,  chairperson ng Senate Committee on Tourism, na patawan ng kaukulang parusa ang ahensiya na gumawa ng tourism ad.

“We should start penalizing ad agencies for giving our departments, especially the DoT, ripped off creative handles or not-so-original work. It compromises the integrity of the government agency, as well as the ad agency itself,” ani Binay.

Pinaalala rin ng senadora ang dating kontrobersiya sa DOT tungkol naman sa paggaya ng slogan na ‘It’s more fun in the Philippines’ noong 2012 mulas sa ‘It’s more fun in Switzerland’ na ginamit noong 1951; at ang “Pilipinas kay Ganda” logo noong 2010 na ginaya naman sa Poland.

Mistula umanong hindi natututo ng leksiyon ang mga taga-DOT dahil sa patuloy na paggamit ng mga hindi orihinal na ideya.

Loading...