Unang Aeta na nagtapos sa UP Manila, tradisyonal na bahag ang suot nang umakyat sa entablado

Images by Isagani Malaya/ Axl Caesar Marcelo Ofrecio via Facebook

MAYNILA, Pilipinas  –  Ipinagmamalaki ng pamilya si Norman King sapagkat siya ang kauna-unahang Aeta na nakapagtapos at nakaakyat ng entablado sa University of the Philippines – Manila (UP-Manila).

Si King, mula sa Mabalacat, Pampanga, ay nagtapos ng kursong Bachelor of Arts, Major in Behavioral Sciences nitong buwan.

Sa kaniyang pag-akyat sa entablado para tanggapin ang diploma, suot ni King ang tradisyunal na kasuotan ng mga Aeta – ang bahag.

Kasama rin niya ang kaniyang nanay, lolo at lola para dumalo sa pagtitipon.

Sa panayam ng ABS-CBN News, malaking karangalan umano para sa mga katulad niyang katutubo ang kaniyang pagtatapos ng kolehiyo sa unibersidad.

“Hindi lang ako ang umakyat du’n, parang kami nang lahat ng mga kapwa ko katutubo ang nag-represent du’n,” wika ng estudyante.

Hindi naman umano naging madali sa kaniya ang pag-aaral dahil maraming adjustment ang kaniyang ginawa. Madalaas din daw siya noong bumagsak sa Math subalit hindi naman niya ito ikinahihiya.

Proud naman ang lolo ni King sa natamong tagumpay ng kaniyang apo: “Kahit saang lupalop ng mundo, siya ang kauna-unahang Aeta na gumradweyt sa UP.”

Si King, na gamit ang pangalang Isagani Malaya sa social media ay mahilig din sa photography. Ngayong gradweyt na siya, nangako itong tutulong sa kaniyang mga kapwa-Aeta.

“Ang una kong gagawin, mag-focus ako to help ‘yung community ko. Maybe gagawa ng isang book about history ng mga Aeta kasi wala mang documented,” anang estudyante.

Loading...