Holdaper nagpanggap na sundalo, hindi umubra sa 3 empleyado ng pizza resto sa QC

Image from DFN Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Hindi umubra ang isang holdaper matapos kuyugin ng 3 empleyado ng isang pizza restaurant na pinagtangkaan nitong nakawan sa Quezon City Lunes ng gabi, ika-10 ng Hulyo.

Kinilala ng mga pulis ang suspek na si Ventura Ramirez, 38 anyos, base sa ID nito na nagsasabing siya ay miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Nangyari ang insidente bandang alas-10 ng gabi sa isang pizza outlet sa may Kalayaan Avenue.

Kuwento ng isang empleyado na si Jeric Alberto, napansin na nila umaga pa lang na tila minamanmanan ni Ventura ang kanilang restaurant.

Bumalik umano ang suspek kinagabihan at pumasok ito. Akala ng mga empleyado ay bibili si Ventura subalit bigla itong nagdeklara ng holdap.

Kaagad namang nakipagpambuno kay Ventura ang tatlong delivery boy ng restaurant hanggang sa maagaw nila ang baril ng holdaper.

“Noong nabugbog na namin, sabi niya ‘Tama na. Bigay n’yo na baril ko, aalis na ako.’ Hanggang sa labas binugbog namin. Sasakay pa sana ng motor hanggang sa dumating na ang pulis,” kuwento ni Alberto sa panayam ng ABS-CBN News.

Naaresto ng mga pulis ang suspek at narekober dito ang isang kalibre .45 na baril na ginamit sa panghoholdap.

Bulod dito, marami ring dalang ID si Ventura na iba’t iba ang pangalan subalit iisa ang larawan. Tumanggi namang magsalita sa mga mamamahayag ang suspek na nakatakdang sampahan ng patong-patong na kaso.

Loading...