Binatang nagpakasal sa single mom, inspirasyon ngayon ng marami

Imahe mula sa Proud Bisaya Facebook Page

“Mamahalin kita maging sino ka man.”

Nakatutuwa ang kuwento ng isang binatang nagpakasal  sa isang single mom na may dalawang anak. Sa kabila ng sitwasyon ng babae ay tinanggap niya ito at itinuring na anak ang mga bata.

Salaysay ni Kimark Futalan sa Facebook page ng Proud Bisaya, may isang taon silang LDR (long distance relationship) ni Sofhia Angela Tido Garcia. Isang OFW si Angel at sa Facebook lamang sila nagkakilala. Ang nakabibilib pa nito, kahit hindi pa sila personal na nagkikita ay nagpupunta ito sa bahay ng babae upang alagaan ang dalawa nitong anak. Nangako rin si Kimark sa ama ni Angel na pakakasalan nito ang kanyang anak pagbalik ni Sofhia galing Saudi.

Nang umuwi nga si Angel ay nagpakasal sila ni Kimark. Doo’y mas nakilala nila ang isa’t isa at labis nilang ipinagmamalaki ang kanilang relasyon.

Para kay Kimark, dapat ay igalang ang mga single mom dahil hindi nila ginusto ang kanilang sitwasyon. Dagdag pa niya, mahalaga na malinis ang intensyon mo sa isang tao at wala rin siyang pakialam sa sasabihin ng iba.

Payo pa niya, huwag matakot na magmahal ng single mom. Wala nang sasaya pa sa itinuturing niyang pamilya sa ngayon at ito umano ay isang inspirasyon  para sa kaniya.

Silang mag-iina yung inspirasyon ko, masaya akong matawag na “PAPA”. Hindi man ako yung totoong tatay nila, tunay naman yung pag aalaga ko at pagmamahal sa kanila,” wika pa ni Kimark.

Nagpasalamat naman si Sofhia sa mga positibong komentong natatanggap niya at isa raw itong paraan upang mas tumibay pa ang pagmamahalan nilang mag-asawa.

Goodluck sa inyong masayang pamilya!

Loading...