Aljur Abrenica, humingi ng paumanhin kay Robin Padilla

Image capture of video by ABS-CBN

Aminado ang actor na si Aljur Abrenica na sa ngayon ay hindi ganoon kaganda ang relasyon niya kay Robin Padilla, ama ng kanyang kinakasamang si Kylie Padilla.

Sa kanyang pag-guest sa programa ng ABS-CBN na “Tonight With Boy Abundia” nitong Miyerkules, ika-25 ng Oktubre, minabuti ni Aljur na humingi ng paumanhin sa ama ni Kylie.

“Kung mapapanood niya man ito, kung may nagawa man ako na sa tingin ninyo ay hindi maganda or naging kasalanan ko, humihingi na po ako ng sorry sa inyo. Dahil si Kylie po, wala naman po akong balak pabayaan iyan –mahal ko po iyan,” anang aktor.

Pagbabahagi pa ni Aljur, nakikita raw niya sa kanyang sariling ama ang pagiging masaya nito kapag nakikita ang apo at nais niya rin umanong makita ni Kylie ang kaligayahang ganoon sa amang si Robin.

 “Nakikita ko po kasi iyong saya ng tatay ko kapag nakikita niya iyong apo niya. Gusto ko rin makita rin iyon ni Kylie sa tatay niya,” wika ni Aljur.

Noong Agosto pa ipinanganak ni Kylie ang anak nila ni Aljur, ngunit hindi pa rin ito nakikita ni Robin Padilla, na ang tanging hiling ay makasal na ang dalawa.