Babaeng motorista na ‘nanampal’ ng taxi driver, pormal nang sinampahan ng reklamo sa korte

Image capture from video by Joshua Baluyot via Facebook

MAYNILA, Pilipinas  –  Pormal nang naghain ng kaso sa korte ang taxi driver na sinampal umano ng isang babaeng motorista sa gitna ng iringan sa kalsada sa Quezon City kamakailan.

Nitong Martes ng umaga, nagtungo si Virgilio Doktor, 52, sa Quezon City Prosecutor’s Office upang magsampa ng kaso sa babaeng motorista na nakilalang si Cherish Sharmaine Interior, 31.

Mga kasong physical injury, unjust vexation, at malicious mischief ang reklamong inihain ni Doktor laban kay Interior.

Magugunitang nag-viral sa social media ang video ng nasabing away-trapiko kung saan makikitang mistulang sinampal ni Interior si Doktor habang nakaupo ang huli sa loob ng kanyang taxi.

Kuwento ni Doktor, maaaring nagalit umano sa kanya si Interior matapos niya itong businahan at overtake-an sa kahabaan ng Congressional Avenue, Project 8, Quezon City noong Linggo ng umaga.

Maliban sa pananakit sa kanya, hinampas rin umano ni Interior ang kanyang taxi gamit ang isang tubo o ‘golf club’.

Nitong Lunes, nagtungo na rin si Doktor sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang humingi ng saklolo.

Samantala, hiniling naman ng LTFRB sa Land Transportaion Office (LTO) na patawang ng karampatang parusa si Interrior kapag napatunayang nagkamali ito.

Sa kasalukuyan, wala pa ring pormal na pahayag ang kampo ni Interior bagama’t may mga kumakalat sa Facebook na nagsasabing humihingi na ito ng paumanhin sa publiko at kay Doktor dahil sa nangyari.

Loading...