Bilang ng nasawi sa Biliran landslide, umakyat na sa 33

Imahe mula sa Biliran Island Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Sampu (10) ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa landslide sa Biliran Island dulot ng nagdaang bagyong ‘Urduja’ (International name: Kai-tak); dahilan para umakyat ang ***** toll sa probinsya sa 33.

Kahapon ay iniulat ng Malakanyang na 23 ang nasawi sa Biliran na karamihan ay biktima ng pagguho ng lupa.

Nitong Martes, umakyat na ito sa 33 matapos marekober ng mga rescuers ang 10 ******* na natabunan ng lupa sa mga bayan ng Naval at Caibiran.

Dahil dito, umakyat na rin sa 41 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong ‘Urduja’ sa Eastern Visayas region na kinabibilangan ng mga probinsiya ng Leyte, Eastern Samar at Samar.

Ayon pa kay Jun Dacillo, hepe ng Biliran Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, 23 katao pa rin ang patuloy na nawawala at hinahanap na pinangangambahang malabo nang makitang buhay.

Samantala, lumipad naman patungong Biliran si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes kasama ang ilang miyembro ng Gabinete.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinaabot ng Pangulo ang kanyang pakikiramay sa pamilyang naapektuhan ng kalamidad at nangako itong magpapadala agad ng tulong sa probinsya.

Inikot din ng Pangulo ang isla sakay ng helicopter upang makita ang perwisyong naging dulot ng bagyo.

Ipinag-utos na rin umano ni Duterte ang pagpapadala ng 25,000 food packs mula sa DSWD habang inatasan na rin ng Pangulo ang DPWH na kumpunihin kaagad ang dalawang nasirang tulay sa Naval at tapusin ito sa loob ng 30 araw.

Loading...