Pang. Duterte magbibigay ng P500,000 reward sa magtuturo ng mga personalidad na sangkot sa droga

Image capture of video by RTVM

May alok na pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makapagbibigay ng mga pangalan ng mga taong sangkot sa ilegal na droga.

Ayon sa ulat Radyo Inquirer, sinabi ng Pangulo nitong Miyerkules, ika-20 ng Disyembre, ang nasabing pahayag noong dumalaw siya sa burol ng pulis na nasawi matapos pagbabarilin ng isang drug suspect sa Pasig City.

Anang Pangulo, handa siyang magbayad ng P500,000 para sa impormasyong makatutulong sa pagsugpo sa paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.

Hindi na umano kinakailangang diretsahang ibigay sa kanya ang pangalan ng mga personalidad na sangkot sa kalakalan ng illegal drugs. Aniya, ibulong na lang sa barangay captain na siya namang magpapasa ng impormasyon sa Philippine National Police.

Pagdidiin ni Pangulong Duterte, seryoso at hindi lokohan ang alok niyang pabuya.

“Magsabi lang ako ngayon,  sige bigyan n’yo ako impormasyon. Babayad ako ng P500,000. Ibigay ko doon sinong gusto ninyo, sa Barangay Captain ninyo. Bigyan mo ako ng pangalan. Bayad ako bukas 500,000. Walang lokohan,” aniya.

Loading...