Senado, ipasu-subpoena si dating COMELEC chair Bautista

Image from DF Balita Files

(Manila, Philippines) Ipasu-subpoena umano ng Senado si dating COMELEC chair Andres Bautista kung hindi nito maipaliliwanag ang pagliban sa pagdinig kaugnay sa diumano’y 35 accounts nito sa Luzon Development Bank (LDB) na nagkaroon ng halos P330 milyong deposito.

Ito ang sinabi ni Senador Francis Escudero; chair ng Senate committee on banks and financial institutions

Batay sa patakaran ng Senado, maaaring i-contempt at ipaaresto ang tatangging humarap sa kanilang mga umano’y pagdinig-publiko, ayon sa ulat ng TNT Abante.

Binanggit naman ni Escudero na pagbibigyan pa niya si Bautista na magpadala ng paliwanag sa hindi nito pagsipot sa pagdinig ngunit iginiit nito na hindi niya palalagpasin kapag umulit ang dating COMELEC chair.

Ani Escudero: “Ang dami na niyang binitawang salita at hamon. Pati ‘yung kapatid niya hinihintay naming panindigan ‘yung binitiwan nilang mga salita na magiging bukas sila sa imbestigasyon, na wala silang itinatago at magko-cooperate sila at mag-e-execute sila ng waiver.”

Sinabi rin ni Escudero na kapag sumipot si Bautista ay hihingian niya ito ng waiver sa Bank Secrecy Law tulad ng ipinangako nito sa isang pulong balitaan kung saan ay sinabi ni Bautista na kusa niyang ibibigay ang dokumento sa Senado.

Hindi naman maisasapubliko ng LDB ang mga impormasyon hinggil sa ‘paglabas-masok’ ng salapi mula sa bank accounts ni Bautista hanggang walang waiver.

Sa Enero 2018, itinakda ni Escudero ang ikatlong pagdinig hinggil sa yaman ni Bautista.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa GMA News:

Loading...