[Video] Robin sa pagkikita nila ng anak ni Kylie: Padillang-Padilla, tiningnan ako at iyon ang pinakamabigat

Mga imahe mula sa YouTube video ng ABS-CBN Entertainment at Facebook page na Headlines SA PINAS.

Ikinuwento ng aktor na si Robin Padilla ang kanyang naramdaman sa unang pagkikita nila ng kanyang apo sa anak na si Kylie Padilla at sa fiancé nitong si Aljur Abrenica.

Naging emosyonal ang pagkikita ng mag-ama sa first birthday celebration ng anak nina Robin at Mariel Rodriguez na si Isabella.

“Ang pogi, e. Pagkakita ko, Padillang-Padilla,” pagbabahagi ni Robin tungkol sa apong si Baby Alas, kamakailan sa programang Tonight With Boy Abunda.

“Sorry, wala po akong anumang ibig sabihin, pero Padillang-Padilla talaga. Tapos tinitigan pa ako, iyon ang pinakamabigat doon, e, ang titig ang tagal, e,” dagdag pa niya.

Hindi lingid sa marami na hindi pa rin nagkakaayos sina Robin at Aljur.

Samantala, sinabi ni Robin na humahanga siya kay Kylie dahil sa katapangan nito.

“Alam kong nahihirapan siya dahil kumukonek siya kay Mariel. Lalo ko siyang hinangaaan, kasi nung una, akala ko di kaya nito. Ano lang ‘to, alam mo na pag-ibig na nagkamali, nagkaroon ng bata. Hindi, e. Hindi gano’n. Pinatunayan niya sa akin na, ‘Kaya ko at hindi ka kailangang mag-aalala.’ Napakatapang,” wika ng aktor.

Ang hiling na lang daw ngayon ni Robin ay maging tama sa mata ng Diyos at sa mata ng mga tao ang pagsasama ng dalawa.

“’Yon lang, sana mas lumawak ang kaisipan niya sa usapin ng yung doing what is right, being right. E, magandang maging mag-asawa. Wala namang pinakamagandang regalo sa apo ko, kundi nakataas ang noo niya at ang kanyang mga magulang ay legal sa harap ng Diyos at harap ng tao,” aniya.

Narito ang panayam kay Robin sa Tonight With Boy Abunda: