Apela ng Miascor sa terminasyon ng kontrata kaugnay sa nakawan ng bagahe sa paliparan tinanggihan ni Pang. Duterte

Image from Miascor

Hindi tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang apela na ginawa ng Miascor Groundhaldling Corporation hinggil sa terminasyon ng kontrata nito bilang aviation services provider.

Ayon sa ulat ng Politiko, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tinanggihan ni Pangulong Duterte ang apela ng kumpanya.

Ang apela ng Miascor ay alang-alang umano sa 4,000 nitong empleyado at kanilang mga pamilya na sigurado raw na maaapektuhan sa ginawang desisyon ng Pangulo.

Ayon kay Roque, matagal na panahon nang hinayaan ng Miascor ang ginagawang pagnanakaw ng mga empleyado nito, at ang pinakahuli ay ang naganap sa Clark International Airport noong nakaraang linggo.

Kabilang na rin umano dito  ang ginawang pagnakaw noon sa mga alahas ng asawa ng isang Turkish diplomat. Matatandaang nasangkot din ang isang supervisor ng Miascor sa ilegal na droga.

Sinabi pa ng tagapagsalita ng Pangulo na wala na umanong dapat iapela ang Miascor dahil wala na itong kontrata sa Manila International Airport Authority (MIAA) dahil natapos na iyon noon pang Marso ng nakaraang taon.

At dahil umano sa direktiba ng Pangulo, ang posisyon ng MIAA ay hindi na i-renew ang expired na kontrata ng Miascor.

Ang mga kwalipikadong empleyado ng Miascor ay maaari naman umanong i-absorb ng iba pang groundhandling companies.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Politiko, Sun Star, Manila Times, KDN

Loading...