Babaeng nasawi sa Mandaluyong shooting incident, live-in partner ang nakabaril hindi ang kaaway

Image capture of video by Ina Andolong

Sasampahan ng kasong homicide ng pulisya ang kinakasama ng babaeng nasawi sa naganap na shooting incident sa Mandaluyong noong nakaraang Disyembre.

Matatandaang pinagbabaril ng hindi bababa sa sampung mga pulis ang kulay puting Mitsubishi Adventure na magdadala sana kay Jonalyn Ambaan sa ospital matapos itong tamaan ng bala ng baril na noong una ay pinaniwalaang  galing sa nakaaway nilang mga construction workers.

Inakala ng  mga pulis na getaway car iyon ng mga nakaaway ng magka live-in kaya nila pinagbabaril.

Ayon sa Radyo Inquirer, sa imbestigasyon umanong isinagawa ng pulisya sa pangunguna ni Senior Superintendent Florendo Quibuyen, hepe ng Special Investigation Task Group ng Mandaluyong Police, lumabas na ang kinakasama ni Ambaan na si Eliseo Aluad, Jr. ang nakabaril sa kanya at hindi ang mga nakaaway nila.

Si Aluad at sina Salam Abdul Majid at Abdrurakman Alfin ay nagpalitan ng putok. Sinubukan umano ni Jonalyn Ambaan na awatin ang kinakasama, ngunit nakalabit ng huli ang gatilyo ng baril at tinamaan ng bala sa ulo ang babae.

Sa pagsusuri ng Crime Laboratory, may nakitang “tattooing mark” sa pisngi ni Ambaan na nangangahulugang nabaril ito nang malapitan.

Ang kasong isasampa kay Aluad ay batay sa resulta ng awtopsiya kay Ambaan at ang salaysay ng isang witness na nakasaksi sa buong pangyayari.

Loading...