Binatilyo sa Indonesia, kulong matapos insultuhin sa Facebook si President Widodo

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Sa kalaboso ang bagsak ng isang 18-anyos na estudyante sa Indonesia matapos umano nitong insultuhin ng ilang ulit sa social media ang lider ng kanilang bansa na si Pangulong Joko Widodo.

Naparusahan ng hanggang 18-buwang pagkakakulong ang binatilyo na taga-Sumatra na nakilala lamang sa inisyal na MFB. Bukod dito, pinagbabayad din ang estudyante ng multang aabot sa 10-miyong rupiah (P35,500).

Ayon sa korte, kapag hindi nabayaran ng akusado ang multa ay dadagdagan ng isang buwang pagkakakulong ang kanyang sentensiya.

Hulyo noong nakaraang taon nang magsimulang mag-post si MFB sa Facebook ng sari-saring komento, mensahe at memes na nang-iinsulto kina Pangulong Widodo at Indonesian police chief Tito Karnavian gamit ang iba-ibang pekeng account sa Facebook.

Hinamon din ng binatilyo ang dalawa na arestuhin siya ng mga ito. Makaraan ang isang buwan, naaresto nga ng mga awtoridad si MFB.

Hindi naman itinanggi ng estudyante ang paratang at hindi na rin ito umapela pa sa kanyang sentensiya, ayon sa ulat ng The Straits Times.

Hindi ito ang unang beses na may nakulong sa Indonesia dahil sa pang-iinsulto umano sa kanilang Pangulo.

Noong Nobyembre, isang netizen din ang inaresto dahil sa pagbabahagi sa Instagram ng larawan ni First Lady Iriana na may kalakip na pang-iinsultong caption.

Noong nakaraang linggo naman, isang pulitiko mula sa Jambi, Sumatra ang nakulong din dahil sa pambabastos sa Islam sa kanyang mga Facebook posts.

Fact-checked against the following source(s) :

BBC , Straits Times, The Independent, ABS-CBN News