Bong Go, magreresign kung mapatutunayang nakialam siya sa warship equipment deal

Imahe mula sa RMN

Tahasang sinabi ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na magbibitiw siya sa tungkulin kung mapatutunayan na nakialam siya sa P15.7 bilyong proyekto ng Department of National Defense (DND) na bumili ng combat management systems para sa mga warships ng Philippine Navy.

Sa ulat ng Inquirer sa isang pahayag noong Miyerkules, ika-17 ng Enero ay sinabi ni Bong Go na hindi makatarungang nadawit ang kanyang pangalan sa isyu. Aniya, wala siyang alam sa warship deal ng DND. Ni hindi man lang umano niya nakita ang kontrobersiyal na “white paper” na galing umano sa kanya at lalong hindi niya ito ibinigay kay DND Sec. Delfin Lorenzana, tulad ng mga lumabas sa mga balita.

Nauna nang naiulat na nakialam daw si Bong Go sa pagpili kung saan bibili ang Philippine Navy ng weapon systems para sa warship project ng pamahalaan.

Ayon sa mga nasabing ulat, mas pinaboran daw ni Go ang Hanwha Thales ng South Korea kaysa sa Tacticos CMS ng Thales Nederlands upang mag-supply ng combat management systems.

Ipinaliwanag ni Go na tapos na ang warship deal noon pang 2016 sa panahon ni dating pangulong Noynoy Aquino.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Inquirer, Manila Times, Politiko

Loading...