Duterte nilinaw na walang ipasasarang media entities

Public domain

Walang ipasasarang media entities na bumabatikos sa kanyang administrayon tulad ng Rappler; ito ay ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngunit tiniyak ni Duterte na kanyang hahabulin ang mga media firms na lumalabag  sa Saligang Batas.

Ito ay kasunod ng pagkansela ng license to operate ng Securities and Exchange Commission sa Rappler nitong Lunes.

You’re using media to attack the government pero ang suweldo ninyo ay galing sa foreign funding,” ani Duterte.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, nilinaw naman ni Duterte na wala siyang impluwensiya sa naging desisyon ng SEC sa kaso ng Rappler lalo’t pawang mga appointees ng nakaraang administrasyon ang nagdesisyon dito.

Wika pa ng Pangulo, matitigil umano ang ang pagsasamantala ng ilang mga oligarchs na nagtatago sa likod ng ilang mga media entities sa kanyang pamamahala.

Magsasampa rin umano ang Punong Ehekutibo ng kasong plunder sa ilang personalidad na kasangkot sa paglustay ng pondo ng bayan.

Binatikos rin ni Duterte ang  dating Bureau of Internal Revenue Commissioner, si Kim Henares, dahil sa pagtatakip nito sa ilang mga negosyanteng may kasalanan at hindi nagbabayad ng buwis.

Kung kailangang murahin ko kayo gagawin ko dahil sobra na ang pagsasamantala ninyo,” ani Duterte.

Samantala, maaari pa ring magpatuloy ang operasyon ang Rappler habang nakaapela sa korte ang desisyon ng SEC na bumabawi sa license to operate ng kompanya.

Loading...