Ex-Palawan Gov. Joel Reyes, muling pinaaaresto ng Ombudsman

Image from DU30 News

MAYNILA, Pilipinas – Dahil sa pangambang muling umalis ng bansa, pinaaaresto ng Office of the Ombudsman si dating Palawan Governor Joel Reyes na ngayon ay nakalabas ng kulungan base sa naging utos ng Court of Appeals.

Sa 3-pahinang mosyon na inihain ng Ombudsman sa Sandiganbayan, pinakakansela nito ang piyansa na inilagak ni Reyes para sa kasong graft ilang taon na ang nakararaan.

Dati nang nasentensiyahan ng Sandiganbayan ng 6-8 taong pagkakakulong ang pangunahing suspek sa pagpatay kay environmentalist-broadcaster Dr. Gerry Ortega dahil sa pagkakasangkot nito sa kuwestiyonableng renewal ng mining permit ng isang kompanya sa Palawan noong 2006.

Subalit pinayagang makapagpiyansa dati si Reyes sa kasong graft dahil hindi ito inaasahang makalalabas ng kulungan dahil sa hiwalay na kasong murder.

Subalit matapos ang kontrobersiyal na desisyon ng CA noong nakaraang linggo, minabuti ng Ombudsman na hilingin sa anti-graft court ang pagkansela sa piyansa ni Reyes at maibalik ito sa kulungan.

Isa umanong ‘flight risk’ si Reyes at posible itong muling umalis ng bansa tulad ng ginawa nitong pagtakas papuntang Thailand kasama ang kanyang kapatid at kapwa-akusado na si dating Coron Mayor Mario Reyes noong Marso 2012.

“Considering accused Reyes’ previous record and to prevent its recurrence, the cancellation of his bail and his immediate commitment to prison are warranted,” wika ni Deputy Special Prosecutor Omar Sagadal.

Subalit tinutulan naman kaagad ng abogado ni Reyes na si Demetrio Custodio ang mosyon ng Ombudsman.

“It would be absurd to even think that Gov. Reyes would be a flight risk at this time, considering that he has just scored a very significant legal victory at the Court of Appeals,” ani Custodio.

Umaasa naman ang Ombudsman na mapagbibigyan ang kanilang kahilingan at maibalik muli sa piitan si Reyes.

Loading...