Freddie, malungkot sa pagkakasunog ng mga ipamamana sa mga apo; masaya dahil walang nasaktan sa pamilya

Imahe mula sa music video ng "Anak" via YouTube

Labis na ikinalungkot ng mang-aawit na si Freddie Aguilar ang pagkasunog ng mga importanteng gamit na dapat sana ay ipamamana niya sa kanyang mga apo.

Ayon sa PhilStar, sobrang importante kay Aguilar ang mga koleksyon niyang gitara, original albums, paintings, at mga parangal. Tinatayang umabot sa P20 million ang kanyang mga ari-arian na tinupok ng apoy.

Madali umanong mapalitan ang mga record album ni Aguilar dahil hanggang ngayon ay nabibili pa ito sa mga music store. Sa kasamaang palad, ang mga award na natanggap niya sa local at international scene ang hindi na mapapalitan kailanman, kaya mananatili na lamang daw itong alaala.

Gayunman, nagpapasalamat pa rin siya dahil walang nasaktan sa mga miyembro ng kanyang pamilya na kaagad nakalabas mula sa nasusunog na bahay dahil dumaan sila sa balcony at tumalon sa mga bubong ng kanilang mga kapitbahay.

Matatandaan na nitong Enero 2, dakong 11:04 ng gabi, ay nasunog ang bahay ng iconic na mang-aawit sa Avery Street, Brgy. North Fairview, Quezon City. Una umanong natupok ang music room ng singer hanggang ito ay kumalat sa ilang bahagi ng kanyang tahanan.

Sa isang naunang pahayag, sinabi ni Fire Inspector Rosendo Padilla ng Quezon City BFP na maaaring nagkaroon ng problema sa electrical connection.

Loading...