Janitor sa Davao City Airport, nagsauli ng P136,000 at gadget

Imahe mula sa Facebook account ng TV Patrol Southern Mindanao (Official)

Sa mundong maraming nagaganap na pagsasamantala ay may mga tao pa rin na gumagawa ng mabuti sa kanilang kapwa.

‘Lodi’ ngayon ang isang janitor ng F. Bangoy International Airport makaraang isauli nito ang isang bag na naglalaman ng P136,000 na halaga ng salapi at gadget na naiwan sa paliparan ng isang negosyante.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, ang janitor ay kinilalang si Ronnie Caydan.

Isang itim na bag ang isinauli ni Caydan nang matagpuan nito sa comfort room ng airport ang bag na may lamang P136,000 at iPad na pagmamay-ari  ni Simplicio Belisario Jr., isang negosyante.

Ayon kay Caydan, hindi siya nagdalawang-isip na isauli ang pera na hindi kanya, kahit mahirap siya.

May bag na nabilin, sige i-log natin, so pag-open ko may tab (tablet), sa kabila may dalawang sobre. Sige bilangin, tapos may ticket, ganito ang pangalan, may calling card so tinawagan ni ma’am,” ani Cayda; patungkol sa airport manager na si Erlinda Delos Reyes.

Si Simplicio ay galing ng Maynila at paglapag  sa airport ng Davao ay agad pumunta sa CR. Paglabas ng CR, nakaligtaan na niyang kunin ang bag na isinabit sa pinto ng palikuran.

I forgot about my bag, I don’t know. Normally kasi it’s always inside my hand-carry bag, so all the while I thought it was there. I got my check-in baggage and went to the hotel, then I got a call from Erlinda,” ani Simplicio.

Labis na nagpapasalamat ang negosyante kay Caydan dahil ito’y personal niyang pera at pampasahod ito sa kaniyang mga empleyado.

Sabi ko napaka-honest naman ng mga tao dito kasi easily naman they can keep it, in Manila nawala ang tab (tablet) ko, wala na, and then I found it, nasa Tondo. Sabi ko nga ang suwerte ko naman mga honest naman ng mga tao dito,” saad ni Simplicio.

Wika pa ni Delos Reyes, hindi lamang si Caydan ang nakapagsauli na ng mga gamit na naiiwan ng mga pasahero sa airport  subalit  ito ang unang pagkakataon na malaking halaga ng salapi ang natagpuan.

Bibigyan ng commendation at token si Caydan. Mahigit 20 taon nang nagseserbisyo bilang janitor sa airport si Caydan.

Samantala isang tricycle driver naman ang nagsauli ng pitaka na may lamang P10,000 na pag-aari ng isang pulis sa Abra.

Ang matapat na  tricycle driver ay kinilalang si Remy Pinto, 29.

Mga ‘lodi’ sa katapatan, nawa’y dumami’t maghasik pa kayo ng ‘kabutihan.’

Loading...