John kay BFF Angelica: Dati wini-wish ko dumating ang tamang lalaki para sa kanya, ngayon pinagdarasal ko na

Mga imahe mula sa YouTube account ng ABS-CBN Entertainment

Kung noon daw ay wini-wish lang ng aktor na si John Prats na dumating na ang tamang lalaki para sa best friend niyang si Angelica Panganiban, ngayon umano ay ipinagdarasal na niya ito.

Ayon kay Prats, ang best friend niyang si Panganiban ay isang mabait at sensitive na tao kaya hangad niya na makatagpo na ito ng lalaking magpapasaya sa kanya, iyong hindi siya lolokohin at iiwanan lang.

“Dati wini-wish ko na dumating iyong tamang lalaki para sa kanya. Ngayon pinagdarasal ko na,” aniya.

“Sobrang magmahal kasi ‘tong si Ange, e. Kung ang boyfriend niya ay sporty, pati siya ay sporty. Ganoon siya ka-submit. Noong boyfriend niya artist, kulang na lang siya mag-paint…. Kung ano ‘yong gusto ng mahal niya, mamahalin din niya, at susuportahan din niya,” dagdag pa nito.

Dahil daw kasi ito sa mga pangyayari sa buhay ng aktres kung saan lagi siyang iniiwan, kapag may bagong tao na dumarating sa kanyang buhay, nakadarama kaagad ito ng takot dahil sa alalahaning iiwanan din lang siya.

Payo naman ni Prats at ng iba pa niyang kaibigan, hindi naman lahat ng mga taong darating sa kanyang buhay ay sa huli, iiwanan siya, kaya dapat pa rin na magtiwala siya.

“Napakasuwerte ng mapapangasawa mo,” dagdag pa ni Prats.

“At gusto ko na sabihin na kanya na, ‘Hoy, h’wag mong lolokohin ‘to.'”

Pinutol ng kaibigan ang pagsasalita niya, “Huwag gano’n, sinabi mo iyan sa huli (kong kasintahan). Naloko ako. Ibahin mo iyong salita mo.”

“Hoy, lokohin mo iyan,” biro ni Prats.

“Iyan, ganiyan!” natatawang sabi ni Panganiban.

“Hoy, lokohin mo ‘yan, sanay ‘yan,” sabi pa ni Prats.

“Hahaha! Batak ‘yan sa lokohan!” wika ng aktres.

“Batak ‘yan sa lokohan. Kaya niya ‘yan!” dagdag pa ng aktor.

#FriendshipGoals

Samantala, nadagdagan na naman ang pang-“#friendshipgoals” ng dalawa kamakailan.

Bukod sa pagiging matalik na magkaibigan, business partner na umano sina Prats at Panganiban, kasama rin sa kanilang business si Sam Milby na kaibigan din nila.

Sa kanilang production business, si Prats daw ang namamahala sa pagdidirek, si Milby sa editing at si Panganiban ang nagsusulat.

Narito ang panayam sa magkaibigan:

Fact-checked against the following source(s) :

YouTube, Abante