‘Leadership by example!’ Lacson kay Dela Rosa: “Ikaw muna ang magpaliit ng tiyan”

File photo

“Leadership by example. Walang substitute diyan. Second to none. ‘Yan talaga ang nangunguna.”

Hinamon ni Senador Panfilo Lacson si PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa na pangunahan ang pagsisiguro na “physically fit”ang mga pulis.

Ayon sa ulat ng Abante, sinabi ni Lacson na hindi na puwedeng utusan ni Dela Rosa ang mga pulis na magpaliit ng tiyan kung hindi niya ito ginagawa.

 “Leadership talaga, kailangan ikaw ang manguna. Hindi p’wedeng exempted ka sa physical fitness test. Hindi mo puwedeng sabihan ang mga pulis na 34 lang ang bewang. Hindi ka gagalangin. Hindi ka susundin,” ani Lacson.

Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng pag-aalis ng National Police Commission (Napolcom) sa height requirement para sa mga aplikante ng PNP na nais kumuha ng eksamin.

Sa kasalukuyang panuntunan kailangang hindi bababa sa 5’4’ ang taas ng lalaki at 5’2” sa babae. Tanging exempted lamang sa height requirement ay ang mga indigenous peoples.

Pabor naman si Lacson sa pagbuwag ng height limit dahil hindi sukatan ng husay, liksi, integridad at talino ang sukat ng taas subalit hindi naman aniya kaaya-ayang tingnan at hindi rin makalalaban sa kriminal kapag malaki ang tiyan ng pulis.

Ang kakulangan sa ehersisyo, madalas na pag-inom ng alak ang sanhi umano ng paglaki ng tiyan ng mga pulis, anang Senador.

Samantala nilinaw naman ni Atty. Edman Pares, NAPOLCOM Bicol assistant regional director, na sa  PNP entrance examination lamang tinatanggal ang height requirement upang mabigyan ng patas na oportunidad na magkaroon ng eligibility mula sa kanilang opisina ang lahat ng nagnanais na maging alagad ng batas.

Sa Abril 22, 2018 umano epektibo ang naturang polisiya.

Wika pa ni Pares, kinakailangan munang maamyendahan ang batas na nagtatakda ng height requirement bago pahintulutan na makapasok bilang isang pulis ang isang indibidwal na hindi makapapasa rito.

Fact-checked against the following source(s) :

Abante, Balita DF, GMA