Madamdaming paalamanan ng OFW at pamilyang pinagsilbihan sa Middle East, nagpaiyak sa mga netizen

Image capture from Anthony ENriquez videos via Facebook

Umantig sa puso ng maraming netizen ang isang madamdaming tagpo sa airport kung saan makikita ang isang overseas Filipino worker (OFW) na pauwi na ng Pilipinas at inihahatid ng mga miyembro ng pamilyang matagal niyang pinagsilbihan.

Sa ilang video na ibinahagi sa Facebook ni Anthony Enriquez, makikita ang hindi pinangalanang OFW na isa-isang niyayakap ng mga batang kanyang matagal na inalagaan habang hindi matigil ang pag-iyak.

Ayon sa nasabing post, 33 taong nanilbihan sa pamilya si Nanay at naalagaan nito ang halos lahat ng mga anak at apo ng kanyang amo sa isang bansa sa Middle East.

Naka-wheelchair na si Nanay nang ihatid ito ng pamilya sa airport at makikitang kalong-kalong pa nito ang isang paslit habang itinutulak naman sila ng isa pang miyembro ng pamilya.

Sa mga sumunod na madramang eksena, makikita kung gaano kamahal ng pamilya ang nasabing OFW dahil halos hindi matigil ang paalamanan sa bawat isa habang nag-iiyakan.

Maraming netizen ang nagsabi na masuwerte si Nanay sa kanyang amo dahil mistulang mababait ang mga ito.

Ang ilan naman ay nagsabing masuwerte rin ang pamilyang pinagsilbihan ni Nanay dahil siguradong nasuklian niya ito ng pagmamahal at katapatan.

Nag-viral sa social media ang nasabing post at umabot na ito sa mahigit 3-M views, 65K likes at 54K shares, kasama na rin ang mahigit 15K na hindi napigilang magkomento.

Panoorin ang madamdaming tagpo:

Fact-checked against the following source(s) :

Facebook

Loading...