Makamandag na ahas nakitang nakapulupot sa side mirror ng pick-up truck

Image from Nolans AutoPArts & IndustrialSupplies' Facebook page

Laking gulat ng isang delivery man sa Eden, Australia nang makita niya ang isang makamandag na ahas na lumabas mula sa ilalim ng hood at pumulupot sa side mirror ng kanyang pick-up truck.

Ayon sa ulat ng Daily Telegraph, magsasagawa ng isang delivery si Ted Ogier para sa pinapasukang Nolans Auto Parts & Industrial Supplies kasama ang katrabahong si Kai Pearse nang biglang lumabas sa ilalim ng hood ng sasakyan ang red-bellied black snake at pumulupot sa side mirror.

Ani Ogier, ilang ulit na tila gustong pumasok ng ahas sa loob ng sasakyan. Mabuti na lamang daw at sarado ang bintana.

“It was sort of tapping on the window a couple of times because it obviously wanted to get in,” kuwento ni Ogier.

Sa kanyang palagay, sinabi ni Ogier na maaaring nagpainit sa loob ng makina ng sasakyan ang ahas dahil malamig sa lugar noong nagdaang gabi.

Nanatili namang kalmado si Ogier. Katulong si Pearse, kumuha siya ng walis upang alisin ang makamandag na ahas. Itinabi nila sa gilid ng kalsada ang ahas nang matanggal iyon sa side mirror.

Inamin ni Ogier na bagama’t may takot siya sa mga ahas, isang insekto ang mas kinatatakutan niya  –  ang gagamba.

Loading...