Medic na sakay ng Uber, hindi nag-atubiling bumaba upang tulungan ang traffic enforcer na nabundol ng bus

Imahe kuha sa video ng GMA News

Hindi nagdalawang-isip ang isang medic na napadaan lang matapos makitang nakahandusay sa kalsada ang isang walang malay na Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcer na nabundol ng bus sa Quezon City.

Ayon sa ulat ng GMA News, sakay ng Uber si Maynard Kho, miyembro ng isang rescue team sa lungsod, nang makita niya na nakabulagta sa gitna ng kalsada sa EDSA Muñoz ang MMDA traffic enforcer na si Ferdinand Junio matapos mabundol ng bus na sinita niya dahil sa pagpapababa at pagsasakay ng mga pasahero sa maling lugar.

“Twenty minutes ho siyang unconscious, hindi niya raw alam nangyari sa kanya. Nagbaba daw eh, saka nagsakay eh bawal daw yata sa baba eh. So, parang hinabol niya, medyo parang umiwas, ayon ganon nangyari,” sabi ni Kho sa mga reporter.

Depensa ng driver ng bus na nakabundol sa traffic enforcer, hindi niya ito agad nakita dahil biglang sumulpot mula sa madilim na bahagi ng kalsada.

“Biglang sumulpot eh. Nasa dilim kasi siya eh. Bigla siyang lumabas eh. Hindi ko alam na sisitahin niya ko, di ko naman alam na nandiyan siya eh,” anang bus driver na si Johsello Ib-ib.

Isinugod sa ospital ang traffic enforcer, samantalang mahaharap naman sa imbestigasyon ang tsuper ng bus.

 

Fact-checked against the following source(s) :

GMA Network, ABS-CBN