OFW, niregaluhan ng employer ng house and lot

Image from Dina Celo's Facebook account

Isang OFW (overseas Filipino worker) ang masayang nagbahagi ng kanyang kuwento tungkol sa ginawang kabutihan sa kanya ng kanyang employer sa United Arab Emirates.

Ayon sa The Filipino Times Online, ikinuwento sa kanila ni Dina Tenerife Celo, 45-anyos na OFW na tubong Camarines Sur, na niregaluhan siya ng kanyang amo na si Melissa McPike ng pera na nagkakahalaga ng P320,000 upang makabili ng lote sa Pilipinas. Bukod pa roon ay nangako rin ang employer na tutulungan siya sa pagtatayo ng bahay.

“Mangiyak-ngiyak ako sa sobrang tuwa… ‘Di ko yun inaasahan. Randomly, inabot na lang ni Ma’am Missa ‘yung pera sa akin. Sabi n’ya alam daw nilang wala akong naipon man lang dahil tumutulong din ako sa pamilya ko. Sabi ni ma’am, pati ng mga alaga ko, hayaan ko daw namang sila naman ang magparamdam sa akin ng pagmamahal na ibinigay ko sa kanila,” kuwento ni Dina.

Nakatakdang umuwi ng bansa si Dina sa ika-18 ng Enero at sasamahan siya ni Saeed, isa sa dalawang anak ng kanyang amo, upang mabisita ang lote at umpisahan ang pagpaplano sa pagtatayo ng bahay.

Nangako ang pamilya McPike na kapag natapos na ang ipatatayong bahay ay sila ang unang magiging bisita ng pamilya ni Dina.

“Madam Missa, maraming maraming salamat sa lahat ng ibinigay mo sa akin… sa mabuting pakikitungo sa akin. Kay Saeed na ngayon ay piloto na at kay Saif, maraming salamat sa pagiging mabuting mga alaga. Hindi ko makakalimutan itong niregalo n’yo sa akin,” taos-pusong pasasalamat ng masuwerteng OFW.

 

Loading...