Opisyal ng SAF, natagpuang ***** sa loob ng kaniyang sasakyan sa SLEX

Image from KDN Files

MAYNILA, Pilipinas – Isang opisyal ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) ang natagpuang wala nang buhay at may tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo nitong nakaraang Miyerkules.

Ayon sa ulat na natanggap ng Southern Police District, kinilala ang biktima na si Police Chief Inspector Normandy Sanidad, 45 anyos, residente ng Las Piñas at naka-assign sa SAF Health Office, Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Base sa kuwento ng isang motoristang nakasaksi, nakita umano niya ang sasakyan ni Sanidad na berdeng Toyota Corolla na may  plate number UAM 325 na pagiwang-giwang bago sumalpok sa isang pader sa may Susana Heights exit bandang alas-8 nang umaga.

Narekober sa sasakyan ng pulis ang 9-mm  na service firearm ni Sanidad at isang basyo ng balang pinaniniwalaang nagmula sa nasabing baril.

Inaalam pa ngayon ng mga imbestigador kung nagbaril si Sanidad sa sarili o mayroon itong kasama sa sasakyan bago mangyari ang insidente.

Wala namang nakitang tama ng bala ang sasakyan ng pulis mula sa labas, ayon pa kay Senior Supt. Dante Novicio, hepe Muntinlupa City Police Station.

Sa kasalukuyan, patuloy pang iniimbestigahan ang kaso.

Fact-checked against the following source(s) :

Inquirer, Philstar