Pimentel: “Dapat taasan ang kwalipikasyon ng mga tatakbo sa public office”

Image Capture of Video by GMA Public Affairs via Youtube channel
  • Iminungkahi ni Former Senator Aquilino Pimentel na dapat itaas ang “literacy qualification” ng mga kandidatong tatakbo sa public office
  • Iginiit rin niya na dagdagan ang representasyon ng babae at indigenous peoples sa consultative body na titingin sa Saligang Batas
  • Nilinaw rin ni Pimentel na hindi siya sang-ayon sa pagpapatuloy ng mga political dynasties sa ilalim ng Federalismo

Iminungkahi ni Former Senate president Aquilino Pimentel Jr. na panahon na para itaas ang “literacy qualification” ng mga tatakbo sa public office.

Si Pimentel ay miyembro ng consultative committee sa charter change at isa sa mga tinitingnan nila ay ang pagbabago ng kwalipikasyon ng mga kandidato.

Aniya sa DzMM Teleradyo, “Para sa’kin napakaimportante nito, ang kwalipikasyon ng mga tao na tatakbo sa public office. Tatakbo ka ng barangay, qualification mo able to read and write. Tatakbo ka ng congressman, senador, presidente, able to read and write. Dapat siguro dagdagan ang mga kwalipikasyon, taasan ang literacy requirement.”

Isa rin sa minungkahi ni Pimentel ang pagdagdag ng representasyon ng mga babae at indigenous people sa 19-member consultative body na titingin sa Saligang Batas. Aniya, “Dagdagan ang representasyon ng mga babae kasi isa lang doon ah. Pangalawa, dagdagan ang representasyon ng mga IPs (indigenous peoples). So dapat madagdagan ‘yun para balanse.”

Iginiit rin ni Pimentel na huwag na sanang payagan ang political dynasties kapag nasa ilalim na ng Federal system ang bansa.

Aniya, “Sa pagbabago ng Saligang Batas, isingit mo na rin ang mga probisyon doon: bawal ang private armies, political dynasties. At hindi tulad ngayon na ‘yung pagbabawal ng political dynasty . . . ang wording ng Saligang Batas ngayon ay ‘Political dynasties are prohibited in accordance with law.’ Sinong magpapasa n’yan kung ang political dynasty ang nagkokontrol doon?”

Nitong nakaraang linggo ay nagkasundo na rin ang mga miyembro ng Kongreso at Senado na magkita upang pag-usapan ang charter change.

Loading...