Robredo, lubos na tinutulan ang suspensyon ng ‘mid-term elections’ at  ‘term extension’

File Photo

(Manila, Philippines) Lubos na tinutulan ni Bise Pangulo Leni Robredo ang suspensyon ng ‘mid-term elections’ sa susunod na taon at ang ‘term extension’ ng incumbent officials.

Ito ay sa gitna ng tinatahak ng administrasyong Duterte na gawin federalismo ang porma ng pamahalaan ng Pilipinas.

Paliwanag ni Robredo, kontra siya sa no elections dahil aniya ang halalan ay maituturing na pinakabuod ng demokrasya ng taumbayan.

Aniya: “Itong no elections, kontrang kontra tayo doon sa no elections. Kasi iyong eleksyon, parang ito iyong pinakabuod ng ating demokrasya.”

Pagpapatuloy niya: “Ito lamang iyong natatanging paraan para iyong ordinaryong Pilipino makilahok sa isang proseso na siya iyong pipili kung sino iyong mamumuno sa kaniya.”

Pahayag pa ng Bise Pangulo, ang mga nanunungkulan na opisyal ang siyang magsisilbing boses ng publiko at hindi boss ng mga ito.

Ipinunto rin niya na ‘self-serving’ ang extension ng termino ng incumbent officials, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Aniya: “[K]ung makikinabang kami, parati nang may kuwestiyon kung ano iyong intensyon bakit magkakaroon ng term extension. Parang self-serving: Gusto naming palawigin iyong aming termino, kaya magpapasa kami ng isang panukala o isang batas para habaan pa iyong kontrata namin sa mga Pilipino. Nasaan iyong katarungan doon?”

Iginiit pa ni Robredo na kailangan ng mas seryosong talakayan sa proposal hinggil sa pag-amyenda ng Konstitusyon na magbibigay ng bagong istraktura sa federal government, ayon sa ulat ng GMA.

Sa inisyal na ulat ng Abante, sinabi ni Speaker Panta­leon Alvarez na  pa­ngunahing agenda ng Kamara nga­yong taon ang pagbuo sa Kongreso bilang isang Constituent Assembly (ConAss) upang maamyendahan ang Konstitusyon.

Ani Alvarez: “Number one is the convening of Congress into a Constituent Assembly and in revising the Constitution, a shift from a unitary to a federal form of government,” pahayag ni Alvarez. “If we can convene by January, puwede na­ting i-submit ‘yan for referendum sa barangay elections by May. Kung trabahuhin lang, walang imposible.”

Loading...