UK nagtalaga ng Minister of Loneliness dahil sa dami ng nakararanas ng kalungkutan

Imahe mula sa Healthy Place

Nagtalaga si United Kingdom Prime Minister Theresa May ng Minister of Loneliness upang siyang humarap sa lumalalang problema sa kalungkutan.

Ayon sa NY Times, batay umano sa report ng Jo Cox Commission on Loneliness na naipalimbag noong 2017, tinatayang nasa siyam na milyong tao sa kanilang bansa ang nakararanas ng kalungkutan. Ito ang nagtulak kay Prime Minister May na italaga si Tracey Crouch bilang Minister of Loneliness. Si Crouch din ang Junior Minister for Sports and Civil Society.

Sa isang pahayag, sinabi ni Prime Minister May na para sa napakaraming tao, ang kalungkutan ay isang malungkot na katotohanan ng makabagong pamumuhay. Kabilang umano sa nakararanas nito ang mga matatanda, mga tagapag-alaga at ang mga nawalan ng mga mahal sa buhay.

Ayon kay Mark Robinson, ang chief officer ng pinakamalaking charity para sa mga matatanda na Age UK, ang problema sa kalungkutan ay nakamamatay.

Aniya, ang kalungkutan ay mas masahol pa sa paghithit ng 15 sigarilyo kada araw.

 

Fact-checked against the following source(s) :

NY Times, BBC, NPR