[Video] Angelica nang malamang ampon siya: Nakatingin ako sa salamin, wala akong maramdaman

Imahe mula sa YouTube video ng ABS-CBN Entertainment

Isinalaysay ng aktres na si Angelica Panganiban kung paano niya nalaman na hindi niya tunay na pamilya ang nakagisnan at nakasama niya simula sa pagkabata.

Sa isang panayam sa Magandang Buhay, ibinahagi ni Panganiban kung paano niya nalamang ampon siya, walong taon na ang nakalipas. Nasa taping daw siya noong sabihin sa kanya ng pinsan niya ang katotohanan tungkol sa kanyang pagkatao.

“May tampuhan kami ni Mama. Tapos sabi ko naiinis na ako, ayaw pa rin ako kausapin. Sabi ko, ‘Bakit ganyan? Ampon ba ako? Pakiramdam ko ampon ako. Lagi na lang kami nagtatalo. ‘Di ba ‘yung mga nanay dapat sobrang malambing lang sila? Bakit ako, lagi kaming nagtatalo ni Mama? Hindi kami nagkakasundo.’ So sinabi ko word na ampon. ‘Yung pinsan ko umiyak, nag-break down,” pagbabahagi niya.

“Kasi ‘yung mommy ko, nagkaroon siya ng dementia. Nakita niya ako sa commercial noon. Sabi niya, ‘Ang ganda din ng ate mo, no?’ Tapos sabi niya, ‘Bakit hindi namin kamukha si ate, mommy?’ Sabi ng mommy ko, ‘Kasi ampon iyan. Pagkapanganak ko sa kuya mo, nagpatali na ako kaya hindi natin iyan tunay na kadugo.’ Ganun ka-casual niya nasabi,” pagpapatuloy ng aktres.

Tumakbo umano ang aktres sa dressing room matapos niyang malaman ang lahat,

“Nakatingin ako sa salamin tapos wala akong maramdaman. So sino palang kapamilya ko? Sino palang kadugo ko? Parang doon ako nagsimulang ma-fragile na ‘yung mga kasama ko, hindi ko sila kamag-anak. ‘Yun ang unang naramdaman ko. Hindi na ako nakabalik ng taping, dirediretso na ako umuwi. Hindi ako nakapagpaalam,” kuwento niya.

Hindi rin daw niya nagawa kaagad na linawin sa kinagisnan niyang ina ang tungkol sa ikinuwento ng kanyang pinsan.

“Kasi nga nahiya ako kasi nga inaaway ko siya. Nakapalan ako sa mukha ko. Grabe ‘yung mga pag-aalaga nila sa akin kasi hindi naman nila responsibilidad alagaan ako tapos ang kapal ng mukha kong talak-talakan sila minsan,” wika niya.

Gayunman, pinili pa rin ni Panganiban na manatili sa kinagisnan niyang pamilya.

“Sobra akong thankful. Sabi ko nga wala na akong itatratong ibang pamilya kundi kayo. Kahit ‘yung daddy ko, American, ino-offer sa akin ipa-blue passport, citizenship, ganyan. Hindi ko kaya palitan ‘yung apilyido ko. Utang ko ‘yung buhay ko sa pamilyang nagpalaki sa akin,” aniya.

Throwback. Narito ang isa sa mga unang pagganap ni Panganiban sa telebisyon:

Narito ang buong panayam sa aktres sa Magandang Buhay:

I-click ang imahe para mapanood ang video.
I-click ang imahe para mapanood ang video.

Samantala, ipinahayag ni Panganiban kung gaano niya kamahal ang kanyang mga kaanak:

Fact-checked against the following source(s) :

ABS-CBN, YouTube, YouTube, YouTube