[Video] Pagkikita ng mag-ex na Carlo at Angelica, kinakiligan; mga fans umaasang magkakabalikan sila

Imahe mula sa Instagram account ni Carlo Aquino at YouTube videos ng ABS-CBN Entertainment

Maraming taon na ang lumipas simula noong maghiwalay — sa pelikula at sa tunay na buhay — ang popular onscreen loveteam noong 90s at ex-lovers na sina Carlo Aquino at Angelica Panganiban, ngunit iba pa rin ang kilig na naihahatid nila sa mga fans. At ngayong single na pareho ang dalawa, marami ang umaasa na pagkatapos ng lahat ay mauuwi pa rin sila sa isa’t isa.

Sa video na ini-upload ng Push sa YouTube, sinabi ni Panganiban na sa lahat ng ex-boyfriends niya, ang kanyang unang kasintahang si Aquino lamang ang nais niyang manatiling kaibigan niya.

“Okay na muna iyong magkaibigan kami. Hindi naman natin alam kung saan pupunta ang lahat pero, sabi ko nga e, honored siya kasi sa lahat ng naging ex ko, siya lang ang puwede kong maging friend. Siya lang talaga. Iyong iba, ayoko,” sabi ni Panganiban sa entertainment reporter na si Darla Sauler.

Sa gitna ng pag-uusap nila ay dumating ang kaibigan ni Panganiban na si Bela Padilla kasama si Aquino. Naghiyawan ang lahat ng naroon.

Kitang-kita roon kung gaano kakomportable sa isa’t isa ang dating magkasintahan; natural na natural kung mag-usap at nagbibiruan pa.

Kilig na kilig ang mga social media users na nakapanood ng nasabing video.

“Nakakakilig naman! Sinita talaga niya si Carlo kung bakit ang daming butas sa tenga, nang makita niya nawala ‘yong tawa, e. Khit ayaw pa niyang magpayakap kay Carlo dahil hindi sinasagot ang tanong niya, naka-form ng hug pa rin si Carlo ‘di niya binababa ang mga kamay. Ang sweet! Ang higpit ng yakap,” wika ni L. Dela Cruz.

“Bakit ako kinikilig? Bigla sila nagkaroon ng sariling mundo. That convo nila, nakakakilig!” ani L. Nazaire.

“Darla: ‘Di ba sinabi mo you’ll never date an ex? Pero hindi ka naman sarado kung saan ka dalhin ng tadhana? Angelica: Mahirap kasing kalabanin ang tadhana. Pero hindi talaga ayaw k— CARLO SUDDENLY ARRIVES! Lang heyang tadhana na iyan!” kilig na kilig na ikinuwento naman ni Anessa T. ang napanood niya.

Bago pa man kumalat ang balitang single na ulit si Aquino ay kinakiligan na ng marami ang birthday greeting niya kay Panganiban sa Instagram. Sinabi niya kay Panganiban sa naturang mensahe na, “Isang malaking bahagi ng kabataan ko. Sa tuwing ikaw ang pinaguusapan, pagibig lang ang namumutawi sa isip ko dahil ‘yon ang binibigay mo at hinahandog sa mundong ito.”

Sa isang episode naman ng Gandang Gabi Vice noong Setyembre 2017 ay inamin ni Aquino na kung medyo matanda lamang sila ni Panganiban noong magkasintahan sila ay maaaring sila ang nagkatuluyan.

Tunghayan ang muling pagkikita nina Panganiban at Aquino na talaga namang kinakiligan ng social media users:

Pagkatapos ng mahigit isang dekada ay maitutuloy kaya ng dalawa ang anim na taong relasyon nila? Walang nakaaalam, sa ngayon.

Fact-checked against the following source(s) :

YouTube, Balita DF, Instagram, YouTube