38 delegado sa Davao sports meet naospital matapos  ma-food poisoning

May pananabotahe kayang naganap?

Isinugod sa ospital ang 38 delegado ng Davao Region Athletic Association (Davraa) Meet 2018 dahil umano sa food poisoning nitong Pebrero 17 ng gabi.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, mula sa Mati, Davao Oriental, 34 na atleta, 3 coach at 1 kitchen staff ang nabiktima ng food poisoning. Nakaranas umano ang mga biktima ng  pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi.

Nag-aalala naman si Leonel Garcia, isang basketball player. Siya ang huling isinugod sa ospital matapos magdalawang-isip na magpagamot at hindi na tuluyang makalaro sa Davraa Meet.

Masakit ang tiyan ko. Baka matagal ako makalabas, iniisip ko laro ko,” ani Garcia.

Ayon kay Dr. Angelo Prado ng Mati City medical team, hindi pa sigurado kung ano ang pagkaing naging sanhi ng pananakit ng tiyan ng mga atleta ngunit karamiha’y corned beef ang kanilang kinain.

Iniimbestigahan na ngayon ng health officials ang posibilidad na naging sanhi ng insidenteng ito.

Posible pa rin naman makapaglaro sa Davraa meet ang mga na-food poison na atleta, ayon sa Davao City health office.

Nakapagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga delegado at  binabantayan ang kondisyon ng mga ito at sinisigurong hindi na mauulit ang insidente.

Samantala tiniyak naman ni Atty. Lawrence Bantiding, tagapangasiwa ng DAVRAA 2018 preparations, na mananagot ang mga nasa likod ng insidente.

Ngayong Linggo ang simula ng 7-araw na Davraa meet.

Panoorin ang ulat na ito ng ABS CBN para sa iba pang detalye:

Loading...