Albayalde muling nagsagawa ng ‘surprise inspection’; 2 pulis na nahuling natutulog, sibak

MAYNILA, Pilipinas  –  Dalawang pulis ang nasibak sa puwesto matapos mahuling natutulog habang naka-duty sa loob ng kanilang himpilan sa Quezon City.

Ito ay matapos muling magsagawa ng ‘surprise inspection’ si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde sa ilang presinto sa Kamaynilaan nitong Biyernes ng madaling araw.

Isa sa mga pulis na nahuling natutulog ay nakadestino sa Police Community Precinct 1 ng Station 9 ng Quezon City Police District (QCPD). Hindi rin mahagilap ang tatlo pa niyang kasamahan kaya posible ring madamay ang mga ito.

Ang ikalawang pulis na nahuling natutulog sa duty ay nakatalaga naman sa Barugo Police Station sa Caloocan City. Bukod dito, pinagpapaliwanag din ng opisyal ang ilan pang mga pulis na naabutan ding ‘pupungas-pungas’ pa habang nasa trabaho.

Iimbestigahan din ang precinct commander ng dalawang istasyon dahil sa kapabayaan ng kanilang mga tauhan.

Magugunitang 18 pulis na ang nahaharap sa kasong administratibo matapos mahuling natutulog sa mga presinto sa Pasay at Muntinlupa nitong nakaraang Martes pa lamang.

Ayon pa kay Albayalde, patuloy pa rin siyang magsasagawa ng inspeksyon sa mga presinto upang subukan at tingnan ang kahandaan ng mga pulis para rumesponde sa mga krimen sa kanilang lugar na nasasakupan.

Karagdagang ulat ng mula sa ABS-CBN News:

Loading...