Babaeng natagpuang comatose sa Kuwait, hindi ang Pinay na ‘nawawala’ sa Saudi – OWWA

Images from Buzz DF

MAYNILA, Pilipinas  –  Nilinaw ngayon ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) na ang babaeng natagpuang comatose sa Kuwait kamakailan ay hindi ang OFW na nawawala sa Saudi.

Magugunitang kumalat sa social media ng larawan ng isang babaeng comatose na ibinahagi ng isang nurse sa Kuwait kamakailan. Lumabas din sa mga ulat na kinilala umano ng mga kamag-anak nito na ang nasabing  pasyente ay si Norisa Manambit, isang 36-anyos na OFW mula sa Maguindanao.

Subalit nagtataka ang pamilya ni Manambit dahil ang pagkakaalam nila ay sa Dammam, Saudi Arabia nagtatrabaho ito.

Nitong Miyerkules, kinumpirma ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ang babaeng comatose sa Kuwait ay hindi si Manambit kundi ibang tao. Hindi lang umano nila makumpirma kung Pinay rin ito.

Sa katunayan umano ay natagpuan na nila si Manambit sa isang deportation center sa Dammam. Ligtas rin daw ito at nakahanda nang umuwi ng bansa.

Ayon pa kay Cacdac, natunton na rin umano ng kanilang tanggapan sa Kuwait ang isa pang Pinay na napaulat na nawawala na nakilalang si Edlyn Astudillo.

Hindi pa naglalabas ng buong detalye ang OWWA tungkol sa kondisyon ni Astudillo dahil nakikipag-ugnayan pa umano sila sa pamilya nito para kumpirmahin ang ilang bagay.

Loading...