Dating sundalo pinagbabaril ang sariling anak matapos nitong sigawan ang ina

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas – Tatlong tama ng bala sa dibdib ang tumapos sa buhay ng isang 35-anyos na lalaki sa Binalonan, Pangasinan nitong Martes ng gabi. Ang suspek ay walang iba kundi ang kanyang sariling ama.

Ayon sa report ng Dagupan police, napatay si Aurelio Masimba ng kanyang amang si Manuel, 60-anyos at dating sundalo, matapos silang magtalo sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Mangcasuy.

Napag-alaman na umuwing lasing ang biktima at sinigaw-sigawan ang kanyang nanay dahil pilit na nanghihiram ng perang pambayad sa utang nito.

“Nanghihiram ng pera sa akin. Sabi ko, kay Papa mo ikaw magsabi. Eh hindi ko daw siya matulungan. Tapos sinisigawan-sigawan ako,” kuwento ng nanay sa mga pulis.

Bukod dito, hinamon pa umano ng suntukan ng lalaki ang kanyang ama kaya dito na nagdilim ang paningin ng suspek.

“Tapos hinamon niya ang Papa niya. ‘Yun, nagalit na ang ama niya,” anang ginang.

Hindi na nagtangkang tumakas pa ang matandang Masimba at kusang sumuko na lamang ito sa mga pulis na rumesponde. Isinuko rin ng dating Army ang kalibre 45 na ginamit niya sa pamamaril na hindi rin umano lisensiyado.

Fact-checked against the following source(s) :

ABS-CBN News, Inquirer

Loading...