Dela Rosa sa pagsisilbi kay Duterte: “I am willing to serve under him up to my last breath”

Public Domain

Handang maglingkod si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald dela Rosa kay Pangulong Rodrigo Duterte hanggang sa kanyang huling hininga.

Ang pahayag na ito ni Dela Rosa ay kasunod ng pagpapalawig ng Pangulo sa termino nito bilang hepe ng PNP.

Ayon sa ulat ng Abante, mataas ang paghanga at malaki ang utang na loob ni Dela Rosa sa Punong Ehekutibo kaya’t susundin niya anuman ang ipag-utos nito.

Napakalaki ng utang na loob ko sa ating Presidente, napakalaki ‘yung aking paghanga sa kanya bilang lider ever since kaya ganun na lang ‘yung aking tiwala sa kanya kung bibigyan niya pa ako ng trabaho, talagang pagtatrabahuhin ko. As I have said I am willing to serve under him up to my last breath,” sabi ni Dela Rosa.

Wika pa ni Chief ng PNP, iiwan niya lamang si Duterte kung nararamdaman niyang hindi na siya kailangan nito.

Naniniwala rin ang PNP Chief na mauunawaan siya ng kanyang asawa at mga anak sa sitwasyon niyang ito.

Saad pa nito, asahan na raw ang pagsama ng loob ng ilang mga opisyal dahil sa pagpapalawig ng kanyang termino at naniniwalang propesyunal ang mga ito at iisiping ang pagiging PNP chief ay isang destiny.

Hindi naman sinabi ng Pangulo kung gaano katagal ang pagpapalawig na ibinigay nito kay Dela Rosa.

Planong italaga ni Duterte si Dela Rosa bilang susunod na Bureau of Corrections (BuCor) Chief pagkatapos ng ganyang gampanin bilang PNP Chief.

Si Dela Rosa ay kilalang malapit kay  Duterte, kung saan pinamunuan nito ang Davao City police noong ang Pangulo ay Mayor pa ng lungsod.

 

Loading...