Garin nagsampa ng kasong libel laban kay Ubial, iba pang DOH officials

Image from DF Balita FIles

MAYNILA, Pilipinas  –  Nagsampa ng kasong libel si dating Health Secretary Janette Garin laban sa apat na opisyal ng Department of Health (DOH) kabilang na ang dati ring kalihim na si Paulyn Ubial.

Ito ay may kaugnayan sa patuloy na paninisi umano sa kanya dahil sa nangyaring kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine na inimbestigahan sa Senado.

Maliban kay Ubial, sinampahan din ni Garin ng kaparehong kaso sa Iloilo City Hall of Justice sina  dating Health Undersecretary Ted Herbosa, dengue expert panel ng DoH na si Dr. Anthony Leachon, at si Dr. Francisco Cruz na dating consultant ni Ubial.

Magugunitang si Cruz ang nagbunyag sa Senado tungkol sa umano’y ‘mafia’ sa loob ng DOH na kinasasangkutan umano ng mga matataas opisyal nito.

Ito na ang pangalawang kasong kinakaharap ni Ubial matapos siyang sampahin din ni Rep. Richard Garin, asawa ng dating kalihim ng DOH, dahil sa alegasyon na pilit daw inimpluwensiyahan noon ng kongresista ang desisyon na bumili ng Dengvaxia vaccine ang gobyerno mula sa Sanofi Pasteur.

Maging si Cruz ay dati na ring sinampahan ng kasong libelo ng mga opisyal ng DOH na isinangkot niya sa umano’y mala-mafia na grupo sa ahensiya.

Kabilang sa nagsampa ng reklamo laban kay Cruz ay sina Undersecretary Maria Carolina Vidal-Taiño, Undersecretary Gerardo Bayugo, Undersecretary Lilibeth David, Assistant Secretary Nestor Santiago, Financial and Management Service director Laureano Cruz, Disease Prevention and Control Bureau director Maria Joyce Ducusin, Health Promotion and Communication Services director Mar Wynn Bello at Philippine Children’s Medical Center (PCMC) Executive Director Julius Lecciones.

Loading...