Ilang pakete ng hinihinalang cocaine, muling natagpuan sa baybayin ng Eastern Samar

Image from Wikipedia

MAYNILA, Pilipinas  –  Umabot sa 25 pakete ng hinihinalang cocaine ang natagpuan sa baybayin ng Guiuan, Eastern Samar nitong nakaraang linggo.

Ayon sa ulat ng Inquirer, ang mga pakete ng ‘powdery substance’ ay nadiskubre ng mangingisdang si Gomercido Nolasco, residente ng Barangay Casugoran sa may bandang Homonhon Island dakong ala-1:30 noong Martes.

Kuwento ni Nolasco, nag-aayos siya ng kanyang lambat nang mapansin ang isang plastic container na palutang-lutang sa dagat malapit sa dalampasigan.

Kinuha niya umano ito at binuksan at dito tumambad sa kanya ang 25 piraso ng nakabalot na pakete ng mga kulay puting ‘substance’. Kaagad niya itong ipinaalam sa mga opisyal ng barangay na siya namang tumimbre sa mga pulis.

Subalit ayon kay Rogelette Urgel, tagapagsalita ng PDEA-8, kailangan pang isailalim sa pagsusuri ang naturang pakete para matukoy kung cocaine nga ito.

Magugunitang halos kasabay nito na natagpuan din ang mahigit sa 18 kilo ng cocaine sa Isabela na nagkakahalaga ng halos P80-M noong nakaraang Miyerkules.

Ayon sa mga awtoridad, malaki ang posibilidad na isa ang pinanggalingan ng mga kontrabando at konektado ito sa tinatayang P125-M na halaga ng cocaine na natagpuan naman sa Matnog, Sorsogon noong Enero 5.

Loading...