Konduktor ng bus kung saan ‘nahulog’ ang lasing na pasahero sa Baclaran, sumuko na

Image capture from GMA News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas  –  Sumuko na sa pulisya ang konduktor ng bus kung saan nahulog umano at namatay ang isang pasaherong lasing sa Baclaran kamakailan.

Kinilala sa ulat ng Inquirer ang konduktor na si Sammy Manlapaz, 30-anyos at empleyado ng Cavite Batangas Transport Service Cooperative.

Magugunitang isang pasahero ang napaulat na natagpuang ***** sa center island ng Roxas Boulevard sa Baclaran Linggo ng madaling araw.

Nakilala ang biktima na si Ramil Antonio Legaspi, 42-anyos at residente ng S. Andres St., Navotas City.

Isang testigo ang lumutang na nagsabing nakita niyang ‘hinulog’ si Legaspi mula sa bus bago humarurot ang sasakyan patungong Maynila. Positibo ring kinilala ng testigo si Manlapaz na siyang konduktor ng bus na sinakyan ni Legaspi noong gabing iyon.

Napag-alaman na lasing ang biktima dahil kagagaling lang nito mula sa isang party sa Cavite at papauwi na nang mangyari ang insidente.

Subalit iginiit ni Manlapaz na nahulog si Legaspi dahil sa sobrang kalasingan at hindi nila ito itinulak, gaya ng sinabi ng testigo.

Makulit din umano si Legaspi at maingay habang nasa sasakyan. Katunayan daw ay sinundan siya nito sa unahan ng bus para singilin gayong eksakto naman ang ibinayad.

Sa kabila umano ng pangungulit ng biktima, pinabayaan na lamang nila ito.

Akala umano nila ay nawalan lang ng malay si Legaspi nang mahulog ito dahil wala naman silang nakitang dugo kaya iniwan na lamang nilang nakabulagta ang lalaki sa kalsada.

Iginiit ng konduktor, na kasalukuyang nakakulong sa Parañaque police station, na inosente siya at hindi siya tumakas at nagtago. Sumuko daw siya sa Alfonso police para linisin ang kanyang pangalan.

Fact-checked against the following source(s) :

Inquirer, GMA News, Kicker Daily News, Bandera

Loading...