KZ, hiling na marami pang Pinoy ang magningning sa int’l stage

Imahe mula sa Instagram account ni @kztandingan

Habang pinag-uusapan ang mga karangalang dinadala ni KZ Tandingan sa bansa simula noong sumali siya sa Singer 2018, hinihiling naman ng mang-aawit na sana ay marami pang Filipino singers ang magningning sa international stage.

Ayon sa Balita.net, umaasa si Tandingan na tuluy-tuloy pang magbubukas ang oportunidad para maiparinig ng iba pang  mahuhusay na Filipino singers sa mundo ang kanilang tinig.

“Nakaka-proud maging Pinoy,” ani Tandingan.

“Hangad ko na pagkatapos nitong kompetisyon ay mas marami pang pinto na magbukas hindi lang sa akin kundi para sa ibang Filipino performers, ngayon na nakita nila na iba pala ang artistry at galing natin. Nagpapasalamat ako na nagkarooon tayo ng ganitong opportunity,” dagdag pa niya.

Inawit ni Tandingan ang kantang Rolling in the Deep sa unang performance niya; kung saan siya’y nanguna sa botohan at natalo maging ang kanyang idolong si Jessie J.

Sa ikalawang performance naman ay ikaanim siya sa walong magkakatunggali.

Ang mga score niya sa dalawang episodes ang dahilan kaya naging regular competitor na siya sa show at hindi na isang challenger.

Umaasa si Tandingan na may iba pang OPM artists na maiimbitahan sa susunod na season ng Singer 2018; na mahigit sa 200 milyon ang viewers bawat linggo.

“Sa dinami-rami ng mga bansang p’wede nilang kunan ng talent, napili nila ang Pilipinas. Ang i-represent ang original Pilipino music (OPM) sa isang bansa na hindi palaging napapasukan ng international artists ay isa nang premyo na hindi kayang bilhin ng salapi. Pumunta ako sa China at sigurado akong walang nakakakilala sa akin. Ngayon may alam na silang maliit na Filipina girl na kumakanta mula sa puso sa number one show ng China. Nakaka-proud. ‘Yun ang impact na gusto kong ibigay hindi lang bilang Filipino, pero sa buong mundo – na lahat ng pangarap mo p’wedeng matupad basta maniniwala ka na kaya mo at gawin mo ang gusto mo,” wika ni Tandingan.

Loading...