KZ Tandingan, naging emosyonal sa mensahe ni Jake Zyrus sa kanya sa “Magandang Buhay”

Mga larawan mula sa mga Instagram accounts nina Jake Zyrus at KZ Tandingan at captured image mula sa Youtube

Ibinahagi ni Asia’s Soul Supreme KZ Tandingan ang kanyang mga pinagdaanan sa pinakamalaking singing competition sa China, ang Singer 2018, sa programang Magandang Buhay noong Biyernes, Pebrero 16, 2018.

Inamin niyang muntik na siyang umatras nang malaman niyang isa sa mga makakalaban niya ang idolong British singer na si Jessie J, subalit dahil sa suporta ng pamilya, mga boss, at mga mahal sa buhay, buong tapang na ipinamalas ni KZ ang kanyang husay sa pag-awit, bagay na hindi naman niya ikinabigo dahil natalo niya ang mismong idolo sa 5th episode ng singing competition.

Kuwento ni KZ, halos hindi siya makahinga, o literal na nakalimutan niyang huminga matapos niyang makaharap nang personal si Jessi J dahil sa naturang palabas. Si Jessie J pa mismo ang nagbibigay sa kanya ng words of encouragement upang ipagpatuloy ang laban.

Highlight din ng kanyang electrifying performance ang Tagalog rap na inamin niyang matagal na niyang ginagamit sa kanyang mga kanta noong sumasali pa siya sa mga local singing competition.

Hindi naman naiwasang maging emosyonal ni KZ nang ipinanood sa kanya ang video message mula kay Jake Zyrus na mentor niya sa X-Factor Philippines noong 2012 kung saan siya ang itinanghal na grand winner.

Si Jake Zyrus ay “Charice” pa noon at hindi pa nagsisiwalat sa tunay niyang gender preference. Malaki ang pasasalamat ni KZ kay Jake dahil kung wala raw ito ay hindi siya makikilala sa larangan ng pag-awit.

 

Ayon kay KZ, mahal na mahal niya ang kanyang “madame” na siyang tawag niya kay Jake, at handa siyang ipaglaban at makipag-away para ipagtanggol ang mentor mula sa mga taong patuloy na humuhusga rito. Pinakiusapan niya ang mga basher nito na suportahan na lamang si Jake sa kung ano ang mga desisyon nito sa buhay dahil wala naman itong tinatapakan o sinasaktang mga tao.

“Mabuti siyang tao. Hindi naman niya kasalanan na ganoon ‘yung nararamdaman niya. Hindi naman mali na mag-express ng totoo mong nararamdaman. You can’t just point fingers on people just because you sin differently. What my God taught me is to love everybody despite kung anuman sila, anuman ang pagkatao nila, anuman ang ginawa nila in the past, because judging the people around you is not your job. It’s God’s job. It’s your job to love one another,” pahayag ni KZ.

Panoorin ang episode na ito ng Magandang Buhay via YouTube channel:

Loading...