Lumad kay Duterte: “Wala sa kultura namin ang pagpatay”

Public Domain

Bumuwelta ang isang paaralan ng mga indigenous people o Lumad nitong Sabado sa alok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga katutubo na P20,000 kapalit ng pagpaslang sa bawat rebelde.

Hindi umano nabibili ang kanilang pakikipaglaban upang maprotektahan ang kanilang mga katutubong lupain; ito ay ayon sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development Inc.; isang paaralan para sa mga kabataang Lumad sa Caraga Region.

Giit pa nito, hindi bahagi ng kanilang kultura ang pagpatay  kapalit ng salapi; ayon sa ulat ng PhilStar.

To kill in exchange for money is not part of our culture as indigenous peoples. The underlying principle of our struggle to defend the land of our ancestors can never be bought,” ayon sa Alcadev Inc.

Hindi rin gagaya umano  ang mga Lumad sa ginagawang pagpapalayas ng mga militar sa kanilang mga lupain na nagreresulta sa pagkamatay ng kanilang mga kasapi.

Matatandaan na nitong Biyernes ay inalok ni Duterte ang mga Lumads ng P20,000 kapalit ng mga rebeldeng kanilang mapapatay. Ito’y kaugnay sa napaulat na pagpatay sa isang lider ng tribo at sa kanyang anak sa Talaingod, Davao del Norte.

Kamakailan ay nagbanta din ang Pangulo na kanyang bobombahin ang mga paaralan ng Lumad na umano’y pinatatakbo ng mga komunista.

Nauna nang inihayag ng Punong Ehekutibo  na kanyang ipapapatay ang limang miyembro ng New People’s Army sa kada sundalong mapapaslang.

Ang pahayag ay kasunod ng pagbanta ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison na papatay ang NPA ng isang sundalo araw-araw hanggang mapilitan ang pamahalaan na bumalik sa peace talks.

Loading...