Marian, suportado ang mister na si Dingdong kung matutuloy tumakbong senador

Imahe mula sa Instagram account ni @marianrivera

Susuportahan umano ni “Kapuso Prime Time Queen” Marian Rivera ang kanyang asawang si “Kapuso Prime Time King” Dingdong Dantes kung sakaling matutuloy ang pagsabak nito sa pulitika.

Ayon sa PEP, buong pusong susuportahan ni Rivera si Dantes kung sakaling magdesisyon itong tumakbo bilang senador.

“Si Dong, kung if ever man na tatakbo siya, wala akong nakikitang masama kung tatakbo ‘yung asawa ko. Dahil alam naman ng lahat, ng bawat isa dito, kung gaano kabuti ang puso ng asawa ko. So, kung ano ang gusto niya sa buhay, susuportahan ko siya 101 percent,” aniya.

Gayunman, ayon sa aktres, hindi pa nila napag-uusapan ang tungkol dito.

“Hindi ko alam sa kanya, wala pa naman sinasabi, ‘di ba? Pero if ever, sabi ko nga, if ever, well, susuportahan ko nga ‘yung asawa ko kung anuman ang gusto niya. Dahil naniniwala ako sa kakayanan niya at alam ko na mabuti siyang tao,” wika niya.

Tungkol naman sa mga batikos na maaaring kaharapin sakaling pasukin ng kanyang asawa ang mundo ng pulitika, sabi ni Rivera, “Hindi ko pa ‘yan naiisip kasi hindi pa naman siya pumapasok. So, bakit ko poproblemahin at iisipin ‘yan? Pero para sa akin, hindi problema ‘yan sa akin dahil, if ever, alam kong malaki ang maitutulong niya.”

Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang pagsuporta ni Rivera sa ilang adbokasiya. Ngunit ayon sa aktres, kailanman ay hindi raw sumagi sa isip niya ang pumasok sa pulitika dahil ang nais lang daw nito ay makatulong sa mga nangangailangan.

“‘Yong mga ginagawa kong charity o pagtulong, e. Gusto ko siya. Ginagawa ko siya at dun ko nararamdaman na makabuluhan ‘yung buhay ko at ang pagiging artista ko kapag may nagagawa akong mga ganun,” saad niya.

Nais din daw ni Rivera na maging mabuting halimbawa sa kanilang anak na si Zia, naniniwala umano siyang malaki ang responsibilidad niya sa kanyang anak na kung pawang kabutihan ang ipapakita rito makasisiguro siya na ito rin ang gagawin ng anak.

Happiness ❤️ #aroundZworld

A post shared by Marian Rivera Gracia Dantes (@marianrivera) on

Source :

PEP, PEP, Instagram, PhilStar, IG

Loading...