Mga ISIS fighters na napatalsik mula Syria at Iraq nakapasok sa bansa, posibleng umatake sa Iligan at Cotabato – M.I.L.F.

Imahe kuha mula sa video ng Al Jazeera

Nagbabala ang chairman ng Moro Islamic Liberation Front (M.I.L.F.) na posible umanong maulit ang nangyaring pagkubkob ng mga terorista sa Marawi City noong nakaraang taon kung saan mahigit isang libong tao ang namatay.

Ayon sa ulat ng InterAksyon, sinabi umano ni M.I.L.F. chief Ebrahim Murad na batay umano sa nakalap nilang intelligence information ay patuloy umanong nakapapasok sa ating bansa ang mga banyagang ISIS fighters na napaalis sa Middle East.

Bukod pa sa mga nanggaling sa Middle East, may mga ISIS fighters din mula sa Indonesia at Malaysia ang nakapasok sa bansa. Ilan umano sa mga ito ay nagtungo sa kampo ng Abu Sayyaf Group.

Plano umano ng mga ito na kubkubin ang Iligan at Cotabato, ayon kay Murad.

Nanawagan si Murad kay Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law dahil ang pagkakaantala raw sa nasabing panukalang batas na naglalayong matugunan ang mga matagal nang hinaing mga mga Muslim ay sinasamantala ng mga pro-ISIS groups upang makapag-recruit ng mga bagong miyembro.

Sinabi pa ni Murad na ang mga natitirang miyembro ng Maute Group na umatake sa Marawi City ay patuloy na nakapagre-recruit ng mga bagong miyembro dahil marami umanong armas at perang nadambong ang mga ito sa kasagsagan noon ng Marawi siege.

 

Loading...