Mga kawatan bigong matangay ang P2-M na nasa likod pala ng guwardiyang napatay sa ambush

Image from DF Balita

MAYNILA, Pilipinas  –  Nagbuwis ng sariling buhay ang isang guwardiya matapos tambangan ang kanilang sasakyan ng mga armadong kalalakihan, subalit nabigo naman ang mga kawatan na matangay ang P2-M na pera ng bangko.

Nasawi sa pananambang si Gerson Lumanao, 45-anyos, residente ng Purok 1, Barangay Macalang, Buenavista sa Agusan Del Norte at guwardiya ng East West Bank-Nasipit branch habang sugatan naman at nagpapagamot na ang manager ng bangko na si Noryev Barsobia.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, dalawang armadong salarin ang nasa likod ng pananambang sa sinasakyang L300 van nina Lumanao at Barsobia habang binabaybay ng mga biktima ang Crossing Agong-ong sa nasabi ring bayan nitong Lunes.

Matapos pagbabarilin ang dalawang empleyado, tinangay ng mga kriminal ang isang sling bag na inaakalang may lamang pera bago tumakas ang mga ito sakay ng isang motorsiklo.

Subalit napag-alaman na mga personal na gamit lang pala ang laman ng naturang bag sapagkat ang pera na nagkakahalaga ng P2-M ay nasa likuran ng upuan ni Lumanao at sinasandalan nito.

Napatay si Lumanao dahil sa dami ng tama ng balang tinamo, subalit hindi naman nakuha ang perang pakay ng mga kawatan. Dahil dito, itinuturing na bayani ang guwardiya dahil nakuha pa niyang protektahan ang pera kapalit ng kanyang buhay.

Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa dalawang kawatan habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Loading...