Mga mambabatas nagulat sa P250K buwanang sahod ng IT consultant ng Korte Suprema

Image capture from GMA News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas  – Nagulat ang ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan matapos mabunyag na ang buwanang sahod ng IT consultant ng Korte Suprema na si Helen Macasaet ay mas mataas pa mismo kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Si Macasaet ay dumalo sa pagdinig sa Kamara nitong Miyerkules sa kauna-unahang pagkakataon. Inamin ni Macasaet na tumanggap siya ng buwanang sahod na P250,000 bilang IT consultant ng SC simula Oktubre 2013 hanggang Nobyembre 2017.

Subalit hindi naman umano niya ito natatangap nang buo at umaabot lamang sa P80,000 ang naiuuwing sahod dahil marami siyang ginagastos tulad ng mga gamit, gasoline, toll fee at marami pang iba na hindi na niya inire-reimburse dahil wala naman sa kanyang kontrata.

Sa katunayan umano ay mas higit pang mababa ito sa tinanggap niyang sahod na P925,000 kada buwan mula sa GSIS nang ayusin niya ang problema ng data base ng ahensiya matapos itong mag-crash.

Dati rin umano siyang sumasahod ng P3-M kada buwan bilang president at chief executive officer ng local IT consultant company na Pentathlon Systems Inc.

Ayon kay House Justice Committee chairman Reynaldo Umali, nagulat sila dahil mas mataas pa ang sahod ni Macasaet kay Sereno na tumatanggap lamang ng P233,000 kada buwan.

Para naman kay Leyte Rep. Vicente Veloso, hindi ito katanggap-tanggap dahil mistulang inuna pa ni Sereno na magbigay ng malaking sahod sa isang consultant kesa ayusin ang ibang pangangailangan ng Korte Suprema sa kabila ng limitadong budget ng hudikatura.

Samantala itinanggi rin ni Macasaet na malapit siyang kaibigan ni Ma. Lourdes Oliveros, ang chief of staff ni Sereno na maaaring naging instrument kaya nakuha siyang consultant ng korte.

Iginiit din ng kampo ni Sereno na walang anomalya sa pagkuha kay Macasaet dahil alinsunod naman ito sa panuntunan ng ‘procurement reform laws’ ng gobyerno.

Para sa karagdagang detalye, narito ang video na ibinahagi ng GMA News:

Fact-checked against the following source(s) :

Bombo Radyo, Inquirer, CNN PH, GMA News, YouTube

Loading...