P3.5 bilyon ang nasasayang araw-araw dahil sa problema sa trapiko sa Metro Manila – JICA

Imahe mula sa Unbox PH

Aabot na sa tatlo at kalahating bilyong piso ang nasasayang sa loob ng isang araw dahil sa tindi ng pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila, ayon sa Japan International Cooperation Agency (JICA).

Batay sa ulat ng Philstar, sinabi ng JICA nitong Huwebes, ika-22 ng Pebrero, na ayon umano sa kanilang updated report – ang Transport Infrastructure Roadmap Study for Mega Manila –  na isasapinal sa buwang Abril, ang Metro Manila ay lalong sumikip noong taong 2017.

Sinabi ni Susumo Ito, ang pangunahing kinatawan ng JICA sa bansa, ang nawawala sa ekonomiya ng bansa ay umabot na sa P3.5 bilyon araw-araw, higit na mas malaki kumpara sa ginawa nilang pag-aaral noong 2014 kung saan P2.4 bilyon araw-araw ang halaga ng nasasayang dahil sa trapiko.

Bunsod nito, todo ang suporta ng JICA sa ambisyosong programang pang-imprastruktura ng Administrasyong Duterte na “Build, Build, Build.”

Sa buwan ng Marso ay nakatakdang lagdaan ng Pilipinas at bansang Hapon ang loan agreement para sa Metro Manila subway project na nagkakahalaga ng P356.9-bilyon.

Ang Adminstrasyong Duterte ay naglaan ng P8.44 trilyon para sa mga proyektong pang-imprastuktura hanggang 2022 upang maudyukan ang paglago ng gross domestic product sa 7-8 porsiyento simula ngayong taong 2018 mula sa 6.5-7.5 porsiyento na target noong taong 2017.

 

Loading...